Umaaray na ang ilang negosyo sa food industry ng bansa sa kakulangan sa suplay ng ilang raw material na ginagamit sa pagluluto ng pagkain.
Ilan sa mga pahirapang makuha ang suplay ng chipping potatoes na ginagamit sa french fries at harina na isa sa pangunahing ingredient sa paggawa ng tinapay, pastries, pasta at noodles.
Dahil dito, tumaas na ang presyo ng french fries sa ilang fast food restaurant maging sa ilang food stalls, lalo sa Metro Manila.
Ayon kay Agriculture Undersecretary Kristine Evangelista, global concern ang kakulangan sa chipping potatoes na inaangkat sa ibang bansa, gaya ng Canada at Estados Unidos.
Iminungkahi naman ni Evangelista na gumamit na lamang muna ng white potatoes, camote at taro chips bilang alternatibo sa chipping potatoes.
Aminado naman si Eric Teng, pangulo ng Resto PH na inakala nila noong una na logistical problem lang ang problema sa pag-export ang dahilan ng delay sa kanilang suplay.
Gayunman, dahil sa krisis sa Ukraine, apektado na rin ang fertilizer access ng mga magsasaka sa ibang bahagi ng mundo kaya kinakapos ng suplay.
Ilang bansa na rin ang tumigil sa pag-export ng kanilang mga produkto, gaya ng palm oil ng Indonesia at karne mula Argentina, upang maprotektahan ang kanilang suppy.