Madumi. Mainit. Sira ang mga pasilidad.
Ganito ilarawan ni Senate President Juan Miguel Zubiri ang mga airport sa Pilipinas.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Public Services, binigyang-diin ni Sen. Zubiri ang kahalagahan ng mga paliparan sa bansa. Ngunit aniya, kulang na kulang ang mga serbisyo rito, mapa-domestic man o international.
Mula pa October 2023, hindi na gumagana ang escalator sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3.
Ayon kay Sen. Zubiri, pabigat ito para sa mga pasahero, lalo na para sa senior citizens at mga taong may kapansanan.
Paliwanag ng Manila International Airport Authority (MIAA), kasalukuyang mayroong shortage sa spare parts ng escalators at naghahanap na sila ng lokal na pagkukuhanan nito.
Sa social media naman, viral ang isang video kung saan makikitang nakatayo lamang o kaya naman nakaupo sa sahig ang mga naghihintay ng mga pasahero sa NAIA Terminal 3.
Ito ay dahil permanente nang ipinatanggal ang mga upuan sa arrival lobby, hindi upang linisin ito mula sa mga surot, kundi upang maiwasan ang mga tumatambay sa lugar.
Ayon kay Sen. Zubiri, maging ang mga simpleng sira sa airports, katulad ng aircon, hindi maayos-ayos.
Dahil dito, iginiit ng Senate president na kung hindi na kaya ng pamahalaan ang responsibilidad sa mga paliparan, partikular na sa NAIA, dapat na itong ilipat sa pribadong sektor sa ilalim ng Public-Private Partnership Agreement.