Halos kalahati ng siyam na milyong populasyon ng mga nakatatandang Pilipino ang nananatiling hirap sa buhay kahit patuloy na nagtatrabaho.
Ito ang kinumpirma ni dating opisyal ng Commission on Population and Development (POPCOM) sa kanyang pagdalo sa International Day of Older Persons sa Thailand noong Setyembre 30.
Ayon kay Perez, patuloy ang pagtaas ng populasyon ng mga matatanda sa Pilipinas, na inasahang mas hihigit pa sa bilang ng mga batang edad hanggang apat na taong gulang pagsapit ng 2030.
Sa kabila anya ng mahabang buhay, marami naman sa matatanda ang kailangan pa ring magtrabaho dahil sa hirap ng buhay at dito rin tumatama ang maraming sakit tulad ng alzheimer’s disease.
Nagreresulta rin umano ito sa ‘social problem’ kapag napipilitan ang mga anak ng mga senior citizen na lumiban o magbitiw sa trabaho upang alagaan ang maysakit na magulang.
Nanawagan naman si POPCOM Officer-In-Charge Lolito Tacordon sa gobyerno na lumikha ng komprehensibong programa para sa kalusugan ng mga Pinoy seniors upang hindi nila sapitin ang hirap sa mga huling yugto ng kanilang buhay.