Kalahati o 50% ng mga Pilipino ang naniniwalang magiging masaya ang padiriwang nila ng Pasko ngayong taon, sa kabila ng kinahaharap na coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.
Batay ito sa pinakahuling survey ng Social Weather Stations (SWS) sa may 1,500 adult respondents sa pamamagitan ng face-to-face interview mula November 21 hanggang 25.
Ayon sa SWS, ito na ang pinakamababang naitalang porsyento ng mga Pilipino na nagsabing masaya ang kanilang Pasko.
Anila, mababa ito ng 12 puntos sa dating record low na 62% noong 2013, 2006 at 2005.
Lumabas din sa survey na 30% ng respondents ang nasabing hindi nila matiyak kung magiging masaya o malungkot ang kanilang pasko.
Ito rin anila ang pinakamataas na kanilang naitala mula sa dating record high na 29% noong 2006.
Samantala, 15% naman ng mga respondents ang nagsabing malungkot sila ngayong Pasko.