Iikutin ng Kalayaan Atin Ito Movement ang lahat ng islang teritoryo ng Pilipinas sa West Philippine Sea.
Ayon kay Mariel Ipan, Spokesperson grupo, isa ito sa mga aktibidad na gagawin nila sa pagbabalik nila sa Kalayaan Group of Islands mula Abril 1 hanggang 30.
Nanindigan din si Ipan na ang pagtungo nilang mga kabataan sa West Philippine Sea ang pinakamatibay na paraan upang maipakita sa China na pag-aari ng Pilipinas ang Kalayaaan Group of Islands.
Una nang hinikayat ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang mga kabataan na gumawa ng ibang aktibidad tulad ng alay-lakad upang maipakita ang protesta laban sa China.
“Handa po kami sa kahit ano pa man pong mangyari sa amin, sa dagat o sa paglalakbay po namin, kasi if nobody will do this, sino po, hindi po namin hahayaang isa-isa na lang pong mawala sa atin ang teritoryo natin at takot ang nananaig sa puso.” Ani Ipan.
Ayon kay Mariel naramdaman nila kung gaano katindi ang pagiging bully ng China sa maikling panahon na nanatili sila sa Pag-asa Island noong Disyembre.
“Habang nasa Pag-asa Island po tayo may Chinese Coast Guard po na umiikot po sa Pag-asa at the same time may chopper po sila, nasa 12 nautical miles territorial water po ng Pilipinas at doon po talaga natin mararamdaman at mawi-witness kung gaano po ka-bully itong bansang China at yung kawalang-hiyaan nila po.” Pahayag ni Ipan.
By Len Aguirre | Balitang Todong Lakas