Posibleng umabot pa hanggang Mayo ang kalbaryo sa kawalan ng tubig ng mga nasasakupan ng Manila Water company.
Ayon kay Jeric Sevilla, Head ng Corporate Communications ng Manila Water, tanging tag-ulan na lamang ang maaari nilang asahang makakaresolba sa problema sa kakapusan ng tubig.
Sinabi ni Sevilla na kumpleto naman nilang nakukuha ang isang libo anim na raan (1,600) milyong litro ng tubig araw-araw mula sa Angat dam subalit hindi na ito nakakasapat sa lumolobo residente sa kanilang nasasakupan.
Dahil dito, napipilitan aniya silang gamitin ang tubig mula sa La Mesa dam na dapat sana ay reserba lamang para sa panahon ng tagtuyot.
Sa ngayon, tiniyak ni Sevilla na magtutuloy-tuloy ang pagrarasyon nila ng tubig lalo na sa mga ospital kung saan dalawampu’t pitong (27) trucks ang kanilang inilaan para sa round the clock na pagbibigay ng tubig.
Maynilad
Pinawi naman ng Maynilad Water Services ang pangambang magkaroon din ng kakapusan ng supply ng tubig sa kanilang nasasakupan.
Ayon kay Jennifer Rufo, Corporate Communications Chief ng Maynilad, maganda pa ang antas ng lebel ng tubig sa Angat dam kung saan galing ang supply ng tubig na ipinamamahagi nila sa Western Metro Manila.
Maliban dito, sinabi ni Rufo na natuto na ang Maynilad sa naranasang pinakamatinding El Niño noong 1998 kayat nagtayo sila ng mas maraming reservoir na kayang mag-imbak ng halos tatlong daang (300) milyong litro ng tubig.
Dams
Nilinaw ng PAGASA Meteorogical Division na normal nang bumababa ang lebel ng mga tubig sa pagpasok pa lamang ng Bagong Taon.
Ipinaliwanag ni Danny Flores, Hydrologist ng PAGASA na bunga ito ng pagpasok na ng panahon ng tagtuyot.
Gayunman, nakakabawi naman agad aniya ang mga dam pagpasok na ng tag-ulan sa Mayo o sa Hunyo, dahil sa nararanasang mild El Niño.
Sa ngayon aniya ay patuloy ang pagbaba ng lebel ng tubig sa mga dam tulad na lamang sa Angat dam na halos kalahating metro araw-araw ang ibinababa nito.
—-