Itinaas na sa dangerous level ang air pollution sa New Delhi, India. Bunga nito ipinsara ang mga paaralan at hinimok ang publiko na manatili sa kanilang kabahayan.
Ayon sa Commission for Air Quality Management ng New Delhi, mananatiling sarado ang mga paaralan, tigil operasyon rin ang mga gawaing may kinalaman sa konstruksiyon maging ang pagpapapasok ng mga truck, maliban sa mga magdadala ng kalakal.
Sinabi pa ng komisyon, na hindi bababa sa 50% ng mga tauhan ng gobyerno at pampublikong establisyemento ang kailangang magtrabaho mula sa kani-kanilang tahanan.
Ang itinuturong dahilan ng polusyon sa hangin ay ang usok galing sa mga sinusunog na natirang pananim ng mga magsasaka mula sa kalapit bayan ng New Delhi.—sa panulat ni Joana Luna