Ligtas sumakay sa mga tren ng MRT-3 kahit pa may naitalang 42 empleyado ng MRT depot na nagpositibo sa COVID-19 nitong nakaraang linggo ayon kay Transportation Undersecretary Timothy John Batan.
Paglilinaw ni Batan, wala aniyang nagpositibo na empleyado sa mga istasyon at wala dapat ipag-alala ang mga pasahero dahil mahigpit na ipinatutupad ang pagdidis-infect sa bawat istasyon.
Maigting din aniyang pinatutupad ang pagsusuot ng face mask, faceshield at pagbabawal sa pagsasalita at pakikipag-usap sa loob ng mga tren, gayon din ang pagbabawal sa pagsakay ng mga pasaherong may sintomas ng COVID-19.
Dagdag ni Batan, sumailalim na sa 14 days quarantine ang mga empleyado ng depot na nagpositibo.
Samantala, tuloy pa rin ang biyahe ng mga tren ng MRT mula 4:37 ng madaling araw hanggang 9:30 ng gabi sa North Avenue, 5:17 naman ng madaling araw hanggang 10:10 ng gabi naman sa Taft Avenue. —sa panulat ni Agustina Nolasco