Tiniyak ng Department of Health (DOH) na mahigpit na pinapatupad ang mga panuntunan para matiyak ang kaligtasan ng mga residente ng Tarlac.
Ito’y matapos gawing quarantine area ng mga Pilipinong apektado ng 2019 coronavirus disease (COVID-19) ang New Clark City sa Capas.
Ayon kay DOH secretary Francisco Duque III, sinisiguro nilang ang mga pinapayagan lamang makauwi ay ang mga nag negatibo na sa virus.
Sinabi naman ni DOH assistant secretary Maria Rosario Vergeire na ang mga health workers na nagmomonitor sa mga pasyente ay mananatili lang din sa naturang compound ng 14 na araw.
Inihahatid lang naman umano sa lobby ng gusali ang mga suplay gaya ng pagkain.
Ang mga hakbang at panuntunan na ito umano ay para masiguro na hindi makakahawa ang sinuman na nasa loob ng quarantine area.