Pina-alalahanan ng COMELEC ang mga kandidato sa 2022 National at Local Elections na tiyakin ang kaligtasan ng kanilang supporters at staff sa pisikal na pangangampanya.
Ito’y makaraang mapaulat na ilang campaign activities ang lumabag sa health guidelines na ipinatutupad sa gitna ng COVID-19 pandemic.
Ayon kay COMELEC Spokesman, Director James Jimenez, nakarating na sa kanila ang mga report na may ilang hindi nagsusuot ng face mask, face shield at sumusuway sa physical distancing requirements.
Ang mga kandidato anya ang responsable sa kaligtasan ng kanilang staff at supporters lalo’t hindi pa natatapos ang pandemya.
Gayunman, hindi tinukoy ni Jimenez kung kaninong campaign activities ng mga kandidato ang nakitaan ng paglabag sa health guidelines.
Idinagdag ng poll body official na ang paglabag sa guidelines ay maituturing na election offense o violation ng minimum public health standards na kapwa may katapat na parusa.