Nag isyu na ng clearance ang Department of Enviroment and Natural Resources (DENR) sa pagtatayo ng kontrobersyal na P18.8-billion Kaliwa Dam project.
Oktubre 11 pa ng makatanggap ng go-signal ang Metropolital Waterworks and Sewerage System (MWSS) mula sa isang liham na galing sa DENR Enviromental Management Bureau (EMB) na kung saan ipinagkaloob nito ang enviromental compliance certificate (ECC) para sa pagtatayo ng Kaliwa Dam sa Quezon Province.
Ayon kay DENR Undersecretary Benny Antriporda, kailangan matuloy ang Dam para matugunan ang pangangailangan ng mga tao sa Metro Manila sa suplay ng tubig.
Muli nanaman kasing nagkaroon ng water interruptions sa malaking bahagi ng Metro Manila at sinasabing ang kakulangan sa suplay ng tubig mula sa Angat Dam ang dahilan nito.
Matatandaang nakatanggap ng pagtutol mula sa mga katutubo at ng pamahalaang lokal sa Infanta, Quezon ang Kaliwa Dam project.
Ito’y dahil masasakop kasi ng 291 hektaryang dam ang mga tahanan ng mga katutubo oras na simulan ang pagpapatayo nito.
Nilinaw naman ni Antiporda na hindi porket nagkatanggap na ang proyekto ng ECC ay agad na sisimulang ang pagkukumpuni nito.
Aniya kailangan pang makakuha nito ng iba pang mga permit sa iba pang may kinalamang ahensya ng gobyerno.
Binigyang diin din ni Antiporda na malinaw na nakasaad sa ECC na kailangan munang makakuha ng permiso ng MWSS sa mga katutubo at sa lokal na pamahalaan bago simulan ang nasabing proyekto.