Tuloy na tuloy na ang konstruksyon ng Kaliwa Dam sa kabila ng pagtutol ng mga indigenous group na mawawalan ng tahanan at kinukuwestiyong kontrata sa Chinese contractor.
Sa pagharap ni MWSS o Metropolitan Waterworks and Sewerage System Administrator Emmanuel Salamat sa pagdinig ng Kamara, kanyang sinabi na agad sisimulan ang proyekto oras na makakuha na sila ng environmental compliance certificate mula sa DENR.
Tiniyak din ni Salamat sa mga mambabatas na kanilang tutugunan ang mga kinakaharap na problema ng proyekto tulad ng mga katutubo ng Infanta, Quezon na posibleng mawalan ng tahanan.
Kanya rin aniya sisilipin at pag-aaralan ang sinasabing iregularidad sa bidding ng nabanggit na proyekto kung saan nakuha ito ng China Energy Engineering Corporation.