Hinamon ni Vice President Leni Robredo ang administrasyon na madaliin ang pagresolba sa kaso ng extra-judicial killings sa bansa.
Ayon kay Robredo, mabigat na aligasyon ang binitawan ng Amnesty International hinggil sa umano’y bayarang pulis upang pumatay ng mga hinihinalang sangkot sa iligal na droga.
Giit ng pangalawang Pangulo, malaki ang magiging problema ng gobyerno kung mapatutunayang state sponsored nga ang mga nangyayaring patayan.
“Seryosong accusation yun kung totoong binabayaran yung pulis for every killing that is done, gustong sabihin talagang extra judicial killings ay, yung extra judicial killings ay stage sanction but until wala pang formal investigation na ginagawa it remains to be an accusation. Mahalaga na we get to the bottom of this kasi tingin ko pag hindi natin na-resolved yung issue to baka mag tuloy-tuloy”
Kasunod nito, tiniyak ni Robredo na mananatiling bukas ang kaniyang tanggapan para tulungan ang pamilya ng mga nabiktima ng walang habas na patayan bunsod ng kampaniya kontra droga.
“Medyo nakakabigla kahit nababasa na natin yung mga accounts sa newspaper, nababasa natin sa social media, naririnig natin sa radyo pero the accounts of the people came over, parang nakaka shock padin for me.”
“So yung sakin dahil pinuntahan ako sinabi ko sa opisina na we have to do something about it. Yung general sense nung mga pumunta dito nagtatanong kung kanino pa kami hihingi tulong kung yung mga nasa gobyerno ay parang yun yung pakiramdam nilang kalaban nila”
By Jaymark Dagala / Race Perez
Photo Credit: VP Leni Robredo' Twitter Account