Hahabulin pa rin ng CHR o Commission on Human Rights ang anumang kakaltasin ng Kongreso sa kanilang panukalang budget.
Ayon kay CHR Chairman Chito Gascon, aapela sila sa Senado na ibalik sa 678 million ang kanilang budget para sa 2018.
Binigyang diin ni Gascon na bagamat nagpapasalamat sila at ibinalik ng Kongreso ang budget nila na naunang ginawang P1,000 hindi rin naman aniya makapupuno sa kanilang pangangailangan kung tatanggalan ito ng 100 milyong piso.
“Sabi nila maaaring baka bawasan ng 100 milyon mula sa nakaraang taon, alam niyo po halos sagad na yan eh yung prinopose ng DBM, ang original na prinopose namin sa DBM ay 1.7 billion pesos at prinopose lang ng DBM sa Kongreso is P670 million, nung nilagay nila sa P1,000 ay ikinasama talaga ng loob ng marami at tingin ko naantig ang puso nila.” Ani Gascon
‘Ka Pepe Diokno statue’
Samantala, nilinaw ng CHR na walang kulay pulitika ang naging pagtitipon nila para sa pagpapasinaya sa rebulto ni Ka Jose “Pepe” Diokno, ang founder ng CHR at itinuturing na ama ng karapatang pantao sa Pilipinas.
Ayon kay Gascon, nagkataon lamang na mainit pa ang damdamin ng ilan sa pinagdaanang kontrobersya ng CHR nitong mga nakalipas na linggo.
Kabilang sa mga dumalo sa pagtitipon ng CHR sina dating Pangulong Noynoy Aquino, Vice President Leni Robredo at dating DILG Secretary Mar Roxas na pawang mga tinaguriang ‘Dilawan’.
Gayunman, isang masayang araw aniya para sa mga nagtataguyod ng karapatang pantao sa bansa ang pagpapasinaya nila sa rebulto ni Ka Pepe Diokno.
Ang rebulto ay ipinagawa ng National Historial Commission sa Filipino sculptor na si Julie Lluch at ngayon ay masisilayan ng lahat sa pinakaharap mismo ng tanggapan ng CHR.
“Huwag nang masamain at huwag bigyan ng kulay pulitika, hindi po ganun ang nangyari sa aming kaganapan kahapon, ang nanagyari lang po noong nakaraang linggo binigyan lang kami ng P1,000 maraming biglang sentimyento na magpakita naman tayo ng pagakkaisa sa CHR.” Pahayag ni Gascon
(Ratsada Balita Interview)