Mahigpit na tinututukan ng National Disaster Risk Reduction and Management Council o NDRRMC ang kalusugan ng mga evacuee mula sa mga lugar na apektado nang pag aalburuto ng bulkang Mayon.
Sinabi sa DWIZ ni NDRRMC Spokesperson Mina Marasigan na mahigit tatlong libong (3,000) evacuees ang nagpa konsulta sa problema sa respiratory tract infection partikular dahil sa epekto ng ash fall mula sa Mayon Volcano.
Mayroon naman aniyang health workers sa mga evacuation center para tugunan ang pangangailangang medikal sa mga simpleng sakit ng mga evacuee.
“Tinitignan natin ngayon yung pag-iigting talaga nitong pangangalaga ng kalusugan ng ating mga kababayan lalo na dito sa Albay kasi talaga itong ash fall tuloy-tuloy pa rin na bumubuga ng abo ang bulkang Mayon kaya’t delikado itong mga alikabok at abo na nanggagaling sa bulkan, ito yung nagduudlot ng respiratory tract infections na naitala ng ating mga health workers sa ating mga evacuation centers.” Pahayag ni Marasigan
Samantala, humina ang aktibidad ng bulkang Mayon nitong mga nakalipas na araw.
Ayon kay Philippine Institute of Volcanology and Seismology o PHIVOLCS Director Renato Solidum, hindi ganoon kataas ang mga naitatalang ash plume ng bulkan kumpara noong mga nakalipas na linggo bagamat tuloy-tuloy ang paglalabas nito ng lava.
Ito aniya ay kung pagbabatayan ay visual observation subalit kapag gumamit sila ng mga instrumento patuloy ang pamamaga ng bulkan kaya’t asahan pa rin ang malakas na pagsabog nito.
(Ratsada Balita Interview)