Mistulang nagbaha ng luha sa Philippine Arena kahapon matapos muling maitala sa kasaysayan ang tinaguriang Kalye Serye.
Ito’y makaraang saksihan ng mahigit 55,000 manonood ang madamdaming pagtatagpo at pagdadaupang palad nina Alden Richards at Maine Mendoza alyas Yaya Dub nang hindi tumututol si Lola Nidora.
Naging madamdamin ang pagtatagpo ng dalawa habang inilalahad ni Lola ang kasaysayan ng AlDub at ang mga aral na itnuturo sa mga ito mula sa simula hanggang sa kasalukuyan.
Mistula namang tumigil ang mundo nang masaksihan ng mga manonood ang pagsasayaw ng dalawa at ang pag-awit ng pamosong God Gave Me You ni Bryan White
Nag-init naman ang twitter world nang makapagtala ng 30 Miliion tweets ang tamang panahon concert na itinuturing na pinakamalaki sa kasaysayan.
Pinapurihan naman ng mga kinatawan ng tweeter na nanuod din sa tamang panahon concert ang Pilipinas at ang Aldubarkads dahil sa mainit na pagtangkilik.
Samantala, tumabo sa 14 na milyong piso ang kabuuang ticket sales sa nasabing konsyerto.
Sa naging panayam ng DWIZ kay Senador Tito Sotto, isa sa mga host ng noontime show na Eat bulaga, gagamitin ang kabuuan ng kinita nito para ipatayo ng mga silid aralan sa mga natukoy nilang mahihirap na lugar sa bansa.
AUDIO: Sen. Tito Sotto
Samantala, nagpalabas naman ng pahayag ang isa sa mga host ng katapat nitong programang It’s Showtime ng ABS-CBN hinggil sa tagumpay na tinatamasa ng Eat Bulaga.
Ayon kay Vice Ganda, nagpapasalamat pa rin sila sa 6 na taong suporta at pagmamahal na ibinibigay ng kanilang mga fans.
Binigyang diin ni Vice ang pahayag ng kanilang mga boss na hindi dapat tingnan bilang kakumpitensya ang Eat Bulaga bagkus maging kaagapay para makapagpasaya ng tao.
By: Jaymark Dagala