Lumagda ng kasunduan ang Department of Science and Technology (DOST) at Department of the Interior and Local Government (DILG).
Ito’y para ilunsad ang Project MAGHANDA o ang Meteorological and Geological Hazard Advisories, Warning and Notification for Decisive Action.
Ayon kay PAGASA Administrator at Project MAGHANDA head Dr. Vicente Malano, layong paigtingin pa ang pagpapakalat ng impormasyon sa tamang paghahanda sa tuwing sumasapit ang sakuna.
Kabilang sa mga lumagda sa kasunduan sina DOST USec. Renato Solidum, DILG Undersecretary for Barangay Affairs Martin Dinio at Deputy Admin for Research and Development ng PAGASA na si Dr. Esperanza Cayanan.
Ayon naman kay USec. Solidum, mahalagang magkaisa ang lahat ng sektor upang hindi na maulit ang mga bangungot ng nakalipas tuwing panahon ng kalamidad kung saan maraming namatay at nawawalan ng kabuhayan.
Sa panig ng DILG, sinabi ni Dinio na malaking papel ang gagampanan ng mga lokalidad partikular na ng mga barangay na siyang first responders tuwing may kalamidad.
Kapwa naniniwala ang dalawang opisyal na ang tamang impormasyon ang siyang magbibigay daan para sa angkop na aksyon at makaligtas ng mas maraming buhay. —sa ulat ni Jaymark Dagala (Patrol 9)