Isang araw matapos magpatawag ng special session si Pang. Rodrigo Duterte at sertipikahang urgent ang 2021 national budget, agad na nagsagawa ng weekend caucus kahapon ang Kamara upang matiyak na maipapasa sa tamang oras ang panukalang pambansang pondo.
Sa ipinatawag na online caucus ni Speaker Alan Peter Cayetano sa mga miyembro ng mababang kapulungan ng kongreso, ipinangako nito na magiging maganda ang resulta ng special session na hiniling ni Pang. Duterte.
Ayon kay Cayetano, makasisiguro ang publiko na hihimayin ng husto ng mga mambabatas ang bawat detalye na nakapaloob sa panukalang pambansang pondo para sa susunod na taon.
Sinabi pa nito na kanyang nirerespeto ang desisyon ng punong ehekutibo na magkaroon ng special session ang kongreso lalo na’t ito ang mas nakaaalam sa kalagayan o sitwasyon ng bansa.
Una nang sinabi ni Presidential Spokesperson Atty. Harry Roque na ayaw ni Pang. Duterte na maantala ang pagpasa ng panukalang budget dahil hindi nito nais na muling magkaroon ng reenacted budget pagpasok ng 2021.
Dagdag pa ng kalihim, na mahalagang maipasa na ang 2021 budget dahil nakapaloob din dito ang pondong gagamitin para sa patuloy na paglaban ng bansa sa COVID-19 pandemic.