Handa ang Kamara na makipagtulungan sa Malakanyang sa review process o pagrepaso sa pambansang budget para matiyak na mapagsisilbihan ang interes ng taumbayan.
Ito ang sinabi ni Ako-Bicol Partylist Rep. Elizaldy Co, ang Chairman ng House Committee on Appropriations matapos maudlot ang signing ng budget bill.
Ayon kay Cong. Co, ang desisyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na iurong ang nakatakda sanang paglagda sa 2025 general appropriations bill ay patunay ng kanyang dedikasyon sa transparency at accountability.
Sinabi ng mambabatas, na ang pagbusisi sa P6.352-trillion na panukalang budget sa susunod na taon ay para masiguro na ang pondo ng taumbayan ay nailalaan at nagagastos ng tama.
Patunay din anya ito na malakas ang demokrasya sa bansa at epektibong naipatutupad ang checks and balances sa gobyerno.
Una nang sinabi ni Pangulong Marcos, na kailangan nya ng kaunting panahon para maisaayos ang panukalang pondo bago matapos ang taon.