Hindi pa sumusuko ang mababang kapulungan ng Kongreso sa Income Tax Cut Bill, dahil umaasa pa rin silang mapa-oo si Pangulong Benigno Aquino III.
Ayon kay Marikina Rep. Miro Quimbo, Chairman ng House Ways and Means Committee, may panahon pa para makumbinsi si Aquino na payagan na ang pagpapatibay sa nasabing panukalang batas.
Ito ay upang lumaki ang take-home pay ng mga manggagawa, hindi lamang sa gobyerno kundi sa pribadong sektor.
Noong Lunes ay nakipagpulong sina House Speaker Feliciano Belmonte Jr., at Senate President Franklin Drilon sa Pangulo kung saan hindi nito isinara nang tuluyan ang kanyang pintuan sa nasabing panukala.
Tanging si Finance Secretary Cesar Purisima ang kontra sa nasabing panukala.
Sinabi ni Quimbo na hindi ang kalihim ang magdedesisyon sa bagay na ito kundi si Aquino lamang.
By Mariboy Ysibido