Mariing iginiit ng Kamara, na walang halong pamumuliitika ang naganap na salu-salo sa Palasyo kung saan, nagsama si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at ang mahigit dalawandaang kongresista.
Ayon kay House Deputy Majority Leader Paolo Ortega V, walang katotohanan ang mga lumalabas na espekulasyon sa mga lider ng bansa.
Simpleng salu-salo lang anya ang naganap sa Malacañang at hindi napag-usapan ang mga inihaing impeachment complaint ng iba’t ibang grupo laban kay Vice President Sara Duterte dahil sa isyu ng hindi tamang paggastos sa confidential funds ng Office of the Vice President at Department of Education.
Iginiit pa ng mambabatas, dalawang taon nang pinaplano ang naturang pagtitipon noong anim na buwan pa lamang nakaupo sa puwesto si PBBM at ngayon lamang ito natuloy na layong palakasin ang pagkakaisa at pagpapakita ng suporta para sa administrasyong Marcos.
Nabatid na nagkaroon ng pambungad na mensahe si House Speaker Martin Romualdez bago iprinisenta ang resolusyon na nagpapakita ng suporta mula sa mababang kapulungan ng kongreso, bilang simbolo ng kanilang pakikiisa sa gitna ng mga banta at hamon ng bansa.