Humirit na rin ng timeout ang isang mambabatas sa Kamara para maisaayos ang pagganap nila sa tungkulin sa ilalim ng new normal.
Ayon kay Buhay Partylist Rep. Lito Atienza, isang liham na ang kaniyang ipinadala kay Speaker Alan Peter Cayetano para himukin itong aprubahan na agad ang mga panukalang batas na tututok sa pagtugon ng pamahalaan sa COVID-19 pandemic.
Matapos aniya nito, sinabi ni Atienza na kailangan nang magpahinga ng kamara para sa mga virtual hearing at session dahil sa hindi magandang estado ng internet sa bansa.
Nalalagay din aniya sa kompromiso ang pagpasa ng kongreso sa mga mahahalagang panukalang batas tulad ng charter change at pagbabalik ng parusang bitay dahil sa mabagal na internet connection.
Maliban din sa nalalagay sa peligro ang buhay at kaligtasan ng mga empleyado ng Kamara, tila napagkakaitan din ang mga mambabatas na sila’y makalahok sa mga debate.
Sa kasalukuyan, aabot sa 36 na ang nagpositibo sa COVID-19 sa Kamara kung saan, nasa apat sa mga ito ay pawang mambabatas.