Magsasagawa ng briefing ngayong araw, ang House Committee on Good Government and Public Accountability, para pag-usapan ang mga isyung nakapaloob sa importasyon ng asukal sa bansa.
Ayon kay Committee chairperson at San Jose Del Monte Representative Florida Robes, nais nilang maliwanagan hinggil sa totoong nangyari sa pag-isyu ng resolusyon para sa pag-angkat ng bansa ng 300, 000 metriko toneladang asukal na siyang tinutulan ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr.
Sinabi ni Robes na mahalaga ang transparency at accountability sa magandang pamamahala kaya pursigido ang Komite na suriin itong mabuti.
Matatandaang nagbitiw sa puwesto si Agriculture Undersecretary Leocadio Sebastian matapos niyang ipag-utos na bigyan na ng green light ang panukalang mag-import ang bansa ng asukal.