Magsasagawa ng briefing bukas, Agosto a-15 ang House Committee on Good Government and Public Accountability, para pag-usapan ang mga isyung nakapaloob sa importasyon ng asukal sa bansa.
Ayon kay Committee Chairperson at San Jose del Monte Representative Florida Robes, gusto nilang maliwanagan sa totoong nangyari sa pagpapalabas ng umano’y iligal na kautusan para sa pag-angat ng bansa ng 300,000 metriko toneladang asukal.
Mahalaga aniya ang transparency at accountability sa magandang pamamahala kaya pursigido ang komite na suriin itong mabuti.
Nitong Miyerkules, unang sinabi ni Press Secretary Trixie Cruz-Angeles na tumutol si Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. sa panukalang mag-import ang bansa ng asukal.
Pero matapos nito ay kumalat ang isang “unauthorized” import document na nilagdaan ni Agriculture Undersecretary Leocadio Sebastian, na nag-uutos na bigyan na ng green light ang panukala.
Agad naman nagbitiw sa pwesto si Sebastian at inamin ang kaniyang pagkakamali, sabay ipinaabot sa pangulo ang kaniyang resignation letter.