Muling bumuo ng panukala ang Kamara upang magkaroon ng isang ahensyang tututok sa mga nagaganap na kalamidad sa bansa.
Matatandaang bumuo ng kaparehong panukala ang 18th congress pero hindi umano ito umabot na ipasa sa senado.
Sa House Bill No. 13 ni Leyte Rep. Martin Romualdez, isinusulong ang pagbuo sa Department of Disaster Resilience para sa mas maayos na disaster risk reduction at response na pamumunuan ng isang kalihim at apat na undersecretary.
Binubuo ito ng isang mamumuno sa disaster preparedness and response; isa para sa disaster risk reduction; isa para sa recovery and building forward better; at ang isa pa ay para naman sa operations.
Bukod pa dito, maglalagay rin ng operations center, alternative command and control center at disaster resilience and training institute.
Samantala, maglalaan din ang mga LGU ng 5% ng kanilang annual budget bilang local disaster resilience fund.
Magkakaroon din ng probisyon na magpapataw ng multang P100,000 na administrative suspension ng anim na buwan o dismissal para sa mga mahuhuling magbebenta ng relief goods o hindi tamang paggamit ng pondo.