Naglunsad ng 2022 SONA Microsite ang House of Representatives bilang dedicated website para sa kauna-unahang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Nakapaloob sa nasabing website ang mga impormasyon at updates, kaugnay sa Unang SONA ni PBBM maging ang pagbubukas ng 19th Congress, na kapwa gaganapin ngayong araw, Hulyo a-25.
Bukod pa dito, mababasa din ang ilang historical timeline at trivia patungkol sa SONA ng mga nagdaang administrasyon at kabuuang bilang ng mga naisagawang SONA sa bansa.
Makikita din dito ang nangungunang Pangulo na nakapagsagawa ng pinakamaraming SONA sa ilalim ng kanilang pamumuno maging ang may pinaka-kaunting SONA na isinagawa sa loob ng kanilang termino.
Nabuo ang naturang website sa tulong ng House Legislative Information Resources Management Department (LIRMD), Media Affairs and Public Relations Service (MAPRS) at Institutional Information and Design Service (IIDS) ng Press and Public Affairs Bureau (PPAB) at Information and Communications Technology Service (ICTS).
Para sa mga nais bumisita, i-type lamang sa web browser ang sona2022.ph upang makita ang mahahalagang impormasyon na nais malaman hinggil sa SONA ng mga naging Pangulo ng Pilipinas.