Nangako ang Mababang Kapulungan ng Kongreso na kanilang ipapasa sa susunod na linggo ang batas na naglalayong pabilisin ang pagbili ng pamahalaan ng bakuna kontra COVID-19 at pagbabayad ng indemnity.
Kasabay nito, inaasahang maipapasa rin ng senado ang kanilang sariling bersyon ng nabanggit na panukalang batas.
Ayon kay House Speaker Lord Allan Velasco, inaasahang agad na makalulusot sa ikalawa at ikatlong pagbasa ang House Bill 8648 o Panukalang Emergency Vaccine Procurement Act sa Lunes.
Ito ay matapos na rin aniyang masertipikahan ito bilang urgent ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Layunin ng H-B 8648 na pabilisin ang rollout ng pagbabakuna sa pamamagitan ng pagpapahintulot sa mga local government na bumili ng sariling suplay sa pamamagitan ng tripartite mechanism kasama ang pamahalaan at manufacturers.
Nakapaloob din sa panukala ang pagbuo at pangangasiwa ng indeminification fund para sa adverse events following immunization o hindi inaasahang pangyayari kasunod ng pagbabakuna.