Nanindigan ang Kamara na walang itinatagong pork barrel sa 2018 national budget taliwas sa nahging pagbubunyag ni Senador Panfilo Lacson.
Ayon kay Davao City First District Karlo Alexei Nograles, Chairman ng House Committee on Appropriations, nananatiling pork free ang panukalang pondo tulad nang naging budget noong nakaraang taon at sa mga susunod pa.
Istriktong tumatalima ang Kongreso sa naging desisyon ng Korte Suprema na unconstitutional ang discretionary fund para sa mga mambabatas.
Naniniwala din si Nograles na hindi pahihintulutan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagkakaroon ng pork barrel.
Samantala, pansamantalang sinuspinde ng Senado ang plenary deliberation ng proposed 2018 national budget kasunod ng isang buwang session break ng Kongreso.
Muling diringgin ang naturang panukalang batas sa pagbabalik sesyon nito sa Nobyembre 13.
Target ng mga mambabatas na paspasan ang pagsasabatas ng budget para malagdaan ito ng Pangulo sa Disyembre.
—-