Naniniwala ang mga lider ng Kamara na hindi magtatagal ay haharap na rin si Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa sa International Criminal Court kaugnay ng kanyang partisipasyon sa war on drugs campaign na ipinatupad ng administrasyong Duterte kung saan libu-libong biktima ang nasawi.
Ayon kay House Assistant Majority Leader at Tingog Partylist Rep. Jude Acidre, si Dela Rosa ay isa sa mga respondents ng kaso na posibleng susunod na mahahatulan ng ICC.
Iginiit naman ni House Assistant Majority Leader at Ako Bicol Partylist Rep. Jil Bongalon, ang kahalagahan na igalang ang proseso ng batas.
Aniya, isa si Sen. Dela Rosa sa mga pangunahing nagpatupad ng kampanya kontra iligal na droga sa ilalim ng administrasyong Duterte na hindi na nagpakita sa publiko matapos maaresto at dalhin ang dating pangulo sa The Hague, Netherlands.
Kinuwestiyon naman ni deputy majority leader at La Union Rep. Paolo Ortega V, ang biglaang pagkawala ni Dela Rosa, na tahasang nagsabi noon na handa siyang harapin ang ICC.
Binigyang diin ni Cong. Ortega, ang kahalagahang malaman kung nasaan ngayon ang naturang senador.
—sa panulat ni John Riz Calata mula kay Geli Mendez (Patrol 30)