Pabor ang Kamara na unti-untiin ang pagpapalit ng sistema sa pagbuo ng national budget ng bansa.
Ayon kay Congressman Rolando Andaya, Chairman ng House Committee on Appropriations, patungo sa hybrid budgeting ang kanilang direksyon dahil hindi naman purong cash based budget ang iprinisintang panukalang budget para sa susunod na taon.
Ipinaliwanag ni Andaya na hindi naman sila tutol sa cash based budgeting kundi duda lamang sila kung naaayon ang sistemang ito sa lahat ng proyekto ng pamahalaan.
Tinukoy ni Andaya ang mga proyekto na hindi puwedeng tapusin sa loob lamang ng isang taon na siyang isinasaad sa cash based budgeting.
Dahil dito, muling diringgin ng komite ni Andaya ang budget presentation ng Department of Public Works and Highways (DPWH), Department of Health (DOH) at Department of Education (DepEd) upang alamin ang mga apektado nilang proyekto sa ilalim ng cash based budgeting.
Sa ilalim ng cash based budgeting, kailangang tapusin ng ahensya sa loob ng isang taon ang proyekto upang hindi mawala ang budget.
Samantala, sa umiiral na obligation based budgeting, nakukuha pa rin ng ahensya ang budget para sa isang proyekto kahit ilang taon pa ang lumipas na hindi natatapos ang proyekto.
—-