Handang aksyunan ng kamara ang inihaing impeachment complaint kay Vice President Sara Duterte dahil mandato ito ng konstitusyon.
Ayon kay House Assistant Majority Leader at Tingog Party-List Rep. Jude Acidre, Chairman ng House Committee on Overseas Workers Affairs, ang mababang kapulungan ang mangangasiwa sa mga impeachment compalint kay VP Sara habang ang Department of Justice naman ang hahawak kasong pagbabanta nito sa buhay nina Pangulong Ferdinand Marcos jr., First Lady Liza Araneta Marcos at House Speaker Martin Romuladez.
Bagama’t may personal na pag-aalinlangan, sinabi naman ni Bataan 1st District Rep. Geraldine Roman, Chairperson ng House Committee on Women and Gender Equality, kailangang gampanan ng kongreso ang mandato na sinasaad sa konstitusyon.
Una nang hinimok ni Pangulong Marcos ang kanyang mga kaalyado sa kongreso na huwag nang ituloy ang mga planong impeachment laban sa Bise Presidente, na aniya’y hindi ito makabubuti sa mga Pilipino at makakaabala lamang sa pagtutok kaysa mas mahahalagang isyung pambansa.
Tiniyak naman ng kongresista sa publiko na ang proseso ng impeachment ay isasagawa nang tapat at naaayon sa rule of law.