Ibinulgar sa pagdinig ng House Quinta Committee, ni AGAP Partylist Rep. Nicanor Briones, na mayroong mga magmamanok sa bansa na iligal na gumagamit ng bakuna laban sa bird flu.
Iginiit ng Mambabatas, na maraming layer farm owners ang iligal na nagbabakuna sa kanilang mga manok, dahil sa takot na baka matamaan ng bird flu ang kanilang farm.
Nabatid na sa kasalukuyan, wala pang aprubadong bakuna sa Pilipinas na maaaring gamitin laban sa naturang sakit kaya iligal ang hakbang na ginagawa ng mga negosyante sa pagbili ng H5N1 o influenza vaccines.
Nanawagan sa publiko si Cong. Briones, na mas mainam kung nasa tama ang proseso ng pagtuturok ng bakuna dahil subok na aniya ang mga ito at ginagamit narin sa ibang mga bansa gaya ng Europa at Amerika.
Sa pahayag naman ni Agriculture Usec. Constante Palabrica, target ng departamento na magkaroon ng aprubadong bakuna kontra bird flu sa buwan ng abril o mayo ng kasalukuyang taon.
Bukod pa dito, pinapaspasan na rin nila ang pagbabakuna naman sa mga baboy, sa gitna pa rin ng tumataas na kaso ng african swine fever o ASF virus.
Kumpiyansa ang opisyal na mauubos ang nasa 500,000 doses ng mga bakuna mula sa Vietnam bago matapos ang taong 2025.