Suportado ng Kamara ang hangarin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na palakasin ang ugnayan ng Pilipinas at Estados Unidos upang mapanatili ang kapayapaan sa Indo-Pacific Region.
Ito ang tiniyak ni House Speaker Martin Romualdez matapos nitong salubungin si Pangulong Marcos Jr. sa Joint Base Andrews Airport sa Maryland, U.S.A.
Nasa Amerika ang pangulo upang makipagpulong kay U.S. President Joe Biden at sa iba pang opisyal ng Estados Unidos at mga negosyanteng nakabase roon.
Inihayag ni PBBM na nais nitong linawin ang magiging papel ng U.S. sakaling tumaas o lumawak ang tensyon sa Indo-Pacific Region.
Lilinawin din anya ni Pangulong Marcos Jr. kay Biden na ang nais ng Pilipinas ay mapanatili ang kapayapaan sa rehiyon, lalo’t may epekto ang geopolitical tensions sa paglago ng ekonomiya.
Una nang bumiyahe si Romualdez sa amerika noong nakaraang buwan upang plantsahin ang nakatakdang pagdating ni Pangulong Marcos Jr.