Susulitin na ng Mababang Kapulungan ang mga nalalabing araw ng kanilang sesyon para mapagtibay ang mga panukalang batas na idineklarang urgent ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kasi kay House Speaker Lord Allan Velasco, kinakailangang magamit nang husto ang natitirang session days para aksyunan ang mga priority measures ng pangulo.
Mababatid na kabilang dito ang pagsalang sa Bicameral Conference Committee (Bicam) ng higit sa P4-trilyong pambansang budget para sa susunod na taon.
Inaasahan na bago mag-adjourn ang sesyon para sa nalalapit na Christmas break, mararatipikahan na ng Kongreso ang Bicam report, at target na malagdaan ng pangulo ang pambansang pondo bago naman matapos ang taon.
Bukod pa rito, mataas din ang tsansa na pagtibayin ang pagpapalakas sa Anti-Money Laundering Act, Internet Transactions Act, Magna Carta of Barangay Workers, Coconut Levy Fund, At On-Site, In-City, Near-City Local Government Resettlement Program.
Mula ngayon, ay may nalalabi pang apat na linggo ang Kamara bago ito muling magbakasyon para sa kanilang Christmas break.