Nangako ang liderato ng Kamara na kanyang pabibilisin ang pagpapasa ng panukalang Bayanihan 3 na layong tulungang makarekober ang ekonomiya ng bansa sa naging epekto ng COVID-19 pandemic.
Sa isang pahayag, sinabi ni House Speaker Lord Allan Velasco na oras na magbalik sesyon ang Kamara sa ika-17 ng Mayo ay agad nila itong bibigyang pansin.
Giit ni Velasco na kanilang titiyaking maayos ang pagpapasa ng naturang panukala para masiguro na magiging pantay-pantay ang pamamahagi ng tulong sa lahat ng mga nangangailan nito ngayong nagpapatuloy ang paghagupit ng COVID-19.
Mababatid na patuloy ang pakikipag-usap ng mababang kapulungan ng kongreso sa finance department hinggil sa paghuhugutan ng pondo ng naturang panukala.