Kamay na bakal na ang gagamitin ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa pagsugpo sa mga tinatawag na “economic saboteurs” o nagpapabagsak sa agrikultura ng bansa.
Ito’y matapos sertipikahan bilang urgent ni Pangulong Marcos Jr. ang batas na magpapataw ng mas mabigat na parusa sa smugglers at hoarders.
Sa kanyang liham kay Senate President Juan Miguel Zubiri, pinaspasan ni Pangulong Marcos ang Senate Bill No. 2432 na poprotekta sa mga magsasaka at mangingisda mula sa mga mapagsamantalang mangangalakal at importer.
Kabilang sa mga parusa ang perpetual absolute disqualification sa anumang negosyo na kasama ang importation, transportation, storage at warehousing, at domestic trade ng mga agrikultural at fishery products
Nais ni Pangulong Marcos jr. na ma-certify bilang urgent ang batas ngayong nahaharap ang mga konsyumer sa pagtaas ng presyo at kakulangan ng agricultural products dahil sa smuggling, hoarding, profiteering at cartel.
Ayon sa Pangulo, ang panukala ay magtataguyod ng produktibidad ng sektor ng agrikultura, magpoprotekta sa mga magsasaka at mangingisda mula sa mga walang prinsipyong mangangalakal at importer, at matiyak ang makatwiran at abot-kayang presyo ng mga produktong agrikultural at pangisdaan para sa mga mamimili.
Kung maisabatas, haharap sa mga sumusunod na parusa ang mga opisyales ng gobyernong mapatutunayang sangkot sa naturang krimen: habambuhay na disqualification sa public office, pagboto, paglahok sa anumang pampublikong eleksyon; pati na rin ang pagbawi ng monetary at financial benefits mula sa trabaho.
Ang panukala ay kasama sa pinalawig na Common Legislative Agenda na pinagpulungan noong ikatlong Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC) meeting.
Nakabinbin pa rin sa interpellations sa Senado ang SB 2532, habang pinipinal naman ng Technical Working Group ang bersyon nito sa Kamara.