Inudyukan na ni Senador Imee Marcos ang kanyang kapatid na si Pangulong Bongbong Marcos na paigitingin na ang kampanya laban sa mga smuggler, partikular sa mga nag-pupuslit ng agricultural products, gaya ng sibuyas.
Tugon ito ng senador sa gitna nang mistulang walang katapusan na issue ng mala-gintong presyo at manipis na supply ng sibuyas at iba pang agri-products.
Sa panayam ng DWIZ, aminado si Senador Marcos na nakabuburyong na sa tila walang nangyayaring imbestigasyon ng senado dahil wala namang nahuhuli, nakukulong o nakakasuhang smuggler.
Kung siya anya ang tatanungin ay dapat nang gumamit ang kanyang kapatid ng kamay na bakal upang tuluyang masugpo ang mga smuggler, lalo’t maliwanag pa sa sikat ng araw kung sino-sino ang mga magkakasabwat.
Samantala, ikinalungkot din ng Presidential Sister ang napaulat na may ilang magsasaka ang nagpatiwakal dahil umano sa pagkalugi sa sibuyas at ikinadismaya naman ang pagkakasabat ng customs sa kapiranggot na sibuyas na dala ng ilang flight attendant ng Philippine Airlines.