Naniniwala si Senador Loren Legarda na kailangan ng gamitan ng police power o kamay na bakal ang paglilikas ng mga residente sa mga lugar na tiyak nang daraanan ng bagyo.
Ayon kay Legarda may iilan kasing mga residente ang hindi sumusunod kaya kailangan ng maging puwersahan ang ginagawang operasyon kapag may mga kalamidad.
Ito’y matapos ang mga nangyaring landslide bunsod ng nagdaang mga bagyo kamakailan na ikinasawi ng maraming residente.
Paliwanag ng senador kalimitan sa mga nasasawi sa mga kalamidad ay ang mga residenteng ayaw iwanan ang kanilang tahanan sa kabila nang babala ng baha o landslide ng mga awtoridad.
Bukod pa dito may mga nasawi din aniya dahil sa pagpalaot ng barko kahit alam nang may bagyo.
Samantala, tiniyak ni Legarda na handa at may sapat na pondo para sa inaasahang kalamidad na maaaring pumasok sa bansa sa susunod na taon.
—-