Gabi-gabi ay nakatakdang patunugin ang kampana ng mga simbahan sa buong Pangasinan sa susunod na tatlong buwan.
Kasunod ito ng muli na namang pagdami ng bilang namamatay nitong magkakasunod na araw.
Ayon kay Lingayen-Dagupan Archbishop Socrates Villegas, ito ay bilang panawagan na itigil na ang pagtahimik at tila pag-apruba sa nangyayaring madugong kampanya kontra droga.
Aniya, kinikilala ang mga pulis na nakakapatay habang ang mga biktima ay hindi kaya pang idepensa ang kanyang sarili sa akusasyong sila ay nanlaban.
Inaasahang tatagal ng 15-minuto ang pagtunog ng kampana kada gabi hanggang sa matapos ito sa Nobyembre 27.
Sa hiwalay na pahayag, sinabi naman ni Manila Archbishp Luis Cardinal Tagle na handa siyang pangunahan ang isang diyalogo ukol sa kampanya ng gobyerno kontra illegal na droga sa pagitan ng mga pulis, pamilya ng mga biktima at iba pa.
Hear human stories—Cardinal Tagle
Hinimok ngayon ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle ang publiko na pakinggan ang aniya’y “human stories” partikular na ang pamilya ng mga napaslang na umano’y drug suspects at mga nakarekober na sa paggamit ng ipinagbabawal na gamot.
Dagdag pa ng kardinal, paraan ito upang mas maunawaan ng husto ng publiko ang mga nangyayaring patayan maliban sa mga statistics na ibinibigay ng mga awtoridad.
Kasabay nito nanawagan si Cardinal Tagle na wakasan na ang mga pagpatay sa giyera kontra droga.
Aniya, kailangang magtulungan ng bawat isa upang masugpo ito mula sa pambansang pamahalaan, mga pamilya hanggang sa mga dating adik na gumaling na.
Magugunita na umabot na sa mahigit 90 ang napaslang sa magkakahiwalay na anti-drug operation ng mga pulis sa loob lamang ng isang linggo kung saan napatay ang 17-anyos na si Kian Lloyd delos Santos.
By Rianne Briones / Arianne Palma