Nakatakdang ilunsad ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang kampaniya nito na may pamagat na “disiplina muna” sa Marikina City.
Ayon kay DILG Sec. Eduardo Año, isasabay ang launching ng nasabing kampaniya ngayong buwan o di kaya’y sa unang bahagi ng susunod na taon.
Layon nito na maimulat ang kamalayan ng publiko sa tamang disiplina bunsod ng inilunsad naman nilang kampaniya na linisin ang mga bangketa gayundin ang mga nakaharang sa pangunahing kalsada sa bansa.
Tiwala si Año na malaki ang maitutulong ng nasabing kampaniya dahil ito ang nakikita niyang susi sa ibayong pag-unlad ng bansa na mag-aangat sa kabuhayan ng mga Pilipino.
Magugunitang unang inilunsad ng DILG ang disiplina muna campaign sa lungsod ng Maynila dahil sa inisyatiba na rin ni Mayor Isko Moreno na linisin ang kanilang lungsod at ibalik ang dating ganda nito.