Nanindigan ang National Capital Region Police Office (NCRPO) na malaki ang ginagampanang papel ng iba’t ibang komunidad para masawata ang kriminalidad.
Ito ang binigyang diin ni NCRPO Director P/Mgen. Vicente Danao Jr. Kasunod ng ginawa niyang pakikipagpulong sa mga opisyal ng barangay at sangguniang kabataan sa Sto. Niño, Marikina City.
Ayon sa NCRPO chief, may tatlong dahilan kung bakit nangyayari ang krimen una ay ang pagkakaroon ng motibo, instrumento at pagkakataon para maisagawa ito nang hindi naipaaalam sa pulisya.
Pagtitiyak ni Danao, handa silang magsagawa ng mga lektura kasama ang mga kagawad ng barangay upang i-alerto ang mga ito sakaling may mangyaring krimen partikular na ang tungkol sa citizen’s arrest at miranda rights o doctrine.
Nagpasalamat naman ang NCRPO chief kay Marikina City Mayor Marcelino Teodoro sa pakikisa nito na mapigilan ang anumang krimen sa kanilang lungsod.