Determinado si Vice President Leni Robredo na ituloy ang kanyang kampanya kontra sa illegal drugs.
Sa kabila ito ng pagsibak sa kanya ng Pangulong Rodrigo Duterte bilang co-chair ng Inter Committee on Anti-Illegal Drugs (ICAD).
Ayon kay Robredo, kahit hindi nya hiningi ang trabaho sa ICAD, sineryoso n’ya ang hangarin n’yang makatulong sa pagresolba ng problema sa illegal drugs.
Iginiit ni Robredo na hindi sya ang kalaban ng Pangulo sa giyera nito kontra droga.
Makakaasa kayo kahit tinanggalan ako ng posisyon hinding-hindi nila kayang tanggalin ang aking determinasyon, determinasyong itigil ang patayan, panagutin ang kailangang managot, at ipanalo ang kampanya laban sa illegal na droga kung sa tingin nila matatapos ito dito, hindi nila ako kilala nagsisimula pa lamang ako,” ani Robredo.
Inihayag ni Robredo na nakatakda syang mag-ulat sa bayan sa mga susunod na araw hinggil sa mga natuklasan nya sa maikling panahon ng pagiging co-chair ng ICAD.
Sinabi ni Robredo na ihahayag rin n’ya ang kanyang mga rekomendasyon kung paano pa mapagbubuti ang giyera kontra droga.
May interes ba tayong gawin ito, nung tinanggap ko ang trabahong ito ang una kong tinanong sa kanila ay ‘handa na ba kayo sa’kin?’ ngayon ang tanong ko ‘ano bang kinatatakutan ninyo?’, ano ba ang kinatatakutan niyong malaman ko?, ‘ano ba ang kinatatakutan ninyong malaman ng taong bayan?’, Mr. President hindi ko hiningi ang posisyong ito pero sineryoso ko ang trabahong ipinasa ninyo,” ani Robredo.