Asahan na ang mas pinalakas na kampaniya ng National Capital Region Police Office (NCRPO) kontra sa ilegal na sugal bilang pagtalima na rin sa kautusan ni PNP Chief Gen. Archie Gamboa.
Ayon kay NCRPO Director Maj/Gen. Debold Sinas, kaniya nang ipinag-utos na isama sa kanilang aarestuhin ng mga pulis ang mga may-ari ng lugar sugalan gayundin ang mga tumataya rito.
Lumalabas kasi sa kanilang imbestigasyon na mayroong natatanggap na 20% lagay ang may-ari ng lugar kung saan naroon ang mga illegal na sugal tulad ng video karera.
Maliban sa video karera, color game at tupada o sabong, sinabi ni Sinas na gigibain din nila ang mga saklaan lalo na’t ginagamit din umano ito sa operasyon ng illegal na droga ng ilang mga drug lord.
Mula noong Oktubre 2019 hanggang Enero ng taong ito, aabot na sa P1.5-M ang kanilang nasasabat mula sa mahigit 2,000 operasyong kanilang ikinasa kontra illegal gambling. — ulat mula kay Jaymark Dagala (Patrol 9)