Pinalawig ng Department of Health (DOH) ang sabayang patak kontra polio sa National Capital Region at Mindanao hanggang sa buwan ng Abril.
Kaugnay nito, hinimok ni Health Secretary Francisco Duque III ang lahat ng ahensya ng gobyerno, local government units (LUGs), partners at local health workers na tumulong para tapusin ang outbreak ng polio sa bansa.
Sa Metro Manila, itinakda ang dalawang dagdag na round ng patak kontra polio mula Enero 27 hanggang Pebrero 7, at Marso 9 hanggang Marso 20.
Sinimulan naman na kahapon, Enero 6 hanggang sa Enero 12 ang limited response round sa Basilan, Sulu, Tawi Tawi, Zamboanga City, Isabela City, at Lambayong sa Sultan Kudarat sa Mindanao region.
Dalawa pang round ang itinakda sa Mindanao mula Pebrero 17 hanggang Marso 1, at Marso 23 hanggang Abril 4.
Binigyang diin ni Duque na layon ng DOH na maabot ang 95% coverage sa lahat ng mga nabanggit na lugar sa bawat round ng program upang masigurong mababakunahan ang lahat ng mga bata.