Naniniwala ang tagapagsalita ng Associated Labor Unions-Trade Union Congress of the Philippines o ALU-TUCP na si Alan Tanjusay na hindi solusyon ang pagpapatupad ng kampanya kontra tambay para masolusyunan ang problema sa kahirapan, unemployment at underemployment sa bansa.
Ayon kay Tanjusay, tila ginagawa lang ito ng pambansang pulisya para masabing mayroon silang ginagawa o accomplishments.
Pero ang totoo aniya, hindi nito nareresolba ang talamak na endo, kontraktwalisasyon at maliit na sweldo ng mga ordinaryong manggagawa kaya marami sa kanila ang nakatira sa mga depressed area.
“Parang instinct lang ng ating kapulisan na nanggigil sa ating mga kababayan na meron lang silang mai-report, meron lang silang masabing accomplishment pero ang totoo niyan ay hindi natin ina-address ang dahilan kung bakit meron tayong mga ganitong na napakaraming tambay. Nariyan ang kahirapan, karamihan sa kanila ay endo (mga kontraktuwal), at higit sa lahat, hindi sapat ang kanilang mga sahod kaya’t marami sa kanila ang nakatira ngayon sa mga distressed areas.”
Dagdag pa ni Tanjusay na lumalabas sa survey ng labor force na aabot sa 11 milyong pilipino ang tambay at mahigit 4 na milyon dito ay pawang mga kabataaan.