Makabubuting ipaubaya na muna sa mga barangay ang pagpapatupad ng kampaniya kontra sa mga tambay ng administrasyong Duterte.
Iyan ang pananaw ni Senador JV Ejercito sa dahilang nakabatay naman sa mga ordinansa ng lungsod at bayan ang pagpapatupad nito.
Giit ni Ejercito, mas higit na nakakikilala ang mga opisyal ng barangay sa kanilang nasasakupan kaysa sa mga pulis.
Maaari lamang aniyang pumasok ang mga pulis sa kampaniya kung hindi na kakayanin ng mga taga-barangay ang sitwasyon sa kanilang komunidad.
Mga pulis pinaalalahanang maging responsable sa pag-aresto sa mga tambay
Samantala, mahigpit ang naging bilin ni PNP Chief Director General Oscar Albayalde sa mga pulis na igalang ang karapatang pantao ng bawat Pilipino.
Iyan ang binigyang diin ni Albayalde sa harap na rin ng mga kritisismong kanilang natatanggap hinggil sa pagsunod nila sa utos ng pangulo na lipulin ang mga tambay sa kalsada.
Pagtitiyak ni Albayalde, handa silang pakinggan ang lahat ng mga reklamo hinggil sa isinasagawang mga operasyon ng pulisya pero sa ngayon ay wala naman silang natatanggap na reklamo.
Dagdag pa ni Albayalde, malinaw din ang kaniyang direktiba sa lahat ng hepe ng pulisya sa buong bansa na maging responsable sa pagpapatupad ng atas na iyon ng Pangulo.
—-