Tinawag na anti-poor ng Commission on Human Rights o CHR ang kampanya kontra tambay ng administrasyong Duterte.
Sa panayam ng DWIZ, sinabi ni CHR Commissioner Karen Dumpit na kitang-kita ang hindi patas na pagtingin sa karapatan ng mga mahihirap nating kababayan.
Nanindigan din si Dumpit na hindi krimen ang pagiging tambay.
“Meron bang tambay in quotes ha na nahuhuli sa ibang lugar katulad nang kapag nakatambay ka lang sa Starbucks diba, tapos kung kung ikaw ay nandun lang sa lansangan, so ang sinasabi nila it’s also anti-poor and marami ring reports na nagsasabing imbes na maayos kang naglalakad o nag-aantay ng sasakyan sa isang lugar eh matatakot ka pa ngayon na baka ika’y basta na lamang damputin na walang ginagawa.” Ani Dumpit
Naniniwala si Dumpit na hindi napag-aralan nang mabuti bago ipatupad paglansag sa mga tambay.
Binigyang diin ng opisyal na hindi naman lahat ng munisipalidad o siyudad ay may ordinansa ukol sa mga tambay.
“Sa report ng Kapulisan ang nakasulat doon ay ordinance daw na half naked but when we checked, Makati does not have an ordinance, there was no such ordinance in Makati, we go to Quezon City, when we go to Quezon City there is an ordinance but the first apprehension warning lang ang sinasabi and a fine, so bakit nakakulong ‘yung iba? so ibig sabihin hindi rin pinag-aralan, hindi naman uniporme ‘yan na kapag pumunta ka sa Quezon City ay pareho ang ordinansa sa Makati.” Dagdag ni Dumpit
Kaya apela ng CHR sa pamahalaan, pag-aralang muli ang kampanya kontra mga tambay bago magsagawa ng mga pag-aresto para sa kalinawan ng lahat.
“Ang amin ding apela sa kanila ay sana nung bago nila isinagawa ito ay nagkaroon sila ng training at guidelines na madaling maintindihan din ng pulis para ‘yung protocol sa paghuli ay nasa ayos at may basehang ligal.” Pahayag ni Dumpit
(Balitang Todong Lakas Interview)