Hindi sapat ang kampanya ng gobyerno para sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) vaccination program.
Ayon ito kay House Health Committee Chair Helen Tan dahil ang information drive sa pagpapabakuna ay idinadaan lamang sa social media at posters.
Sinabi ni Tan, isang doktor na kailangan ang personal na pagpapaliwanag sa mga tao nang kahalagahan ng pagpapabakuna para higit na maintindihan at ma engganyong tumanggap ng COVID-19 vaccine.
Hindi naman aniya nasasagot ng posters at maging ng social media ang mga kadalasang tanong ng tao kaya’t kailangang may interaction.
Dahil dito, inirekomenda ni Tan na magtalaga ng vaccine campaigners na lalapit sa mga tao para mabigyan ng kaalaman ang publiko sa bakuna at tumaas ang tiwala ng mga ito sa pagbabakuna, anumang brand o tatak ng COVID-19 vaccine ang iturok sa mga ito.