Pinaigting na ng ilang Local Government Unit sa Eastern Visayas ang kani-kanilang hakbang laban sa COVID-19 sa harap ng patuloy na pagkalat nito.
Kapwa nilimitahan na ng mga provincial government ng Northern at Eastern Samar, kabilang ang kabisera nitong Borongan City, ang bilang ng mga pumapasok na empleyado.
Ipinag-utos ni Northern Samar Governor Edwin Ong ang ‘work from home scheme’ sa mga empleyado ng kapitolyo habang ‘skeletal workforce arrangement’ ang ipinatupad ni Eastern Samar Governor Ben Evardone.
Hinimok din ng dalawang Gobernador ang kani-kanilang constituents na manatili sa bahay at sumunod sa lahat ng health protocols.
Nananatili namang operational ang ilang sangay tulad ng Sanitation, Health, Traffic at Disaster Reduction Management Offices.
Samantala, itinanggi nina Mayors Alfred Romualdez ng Tacloban City at Richard Gomez ng Ormoc City ang ulat na isasailalim nila sa lockdown ang kani-kanilang lungsod dahil sa pagsirit ng COVID-19 cases.
Kahapon ay umabot sa 346 ang panibagong COVID-19 cases sa Eastern Visayas kaya’t sumampa na sa 2,876 ang aktibong kaso.