MAS pinaigting ng isang telco ang kampanya nito laban sa ilegal na pag-stream at pag-download ng online content dahil ang Pilipinas, kabilang ang Vietnam at Malaysia, ay muling nanguna sa listahan ng mga bansa sa Asya na may pinakamataas na insidente ng content piracy.
Ang piracy ay matagal nang problema sa buong mundo. Nagdudulot ito ng panganib sa mga negosyo at pamumuhay ng mga content creator, pati na ang pag-expose ng mga user sa maraming malware at iba pang mga online na banta.
“Ang mga masasamang epekto ng online piracy ay hindi dapat maliitin. Patuloy na pinapalakas ng Globe ang mga inisiyatiba para mapigilan ang piracy para sa ikabubuti ng lipunan. Kami ay nakikipagtulungan sa coalitions at partners tulad ng Asia Video Industry Association (AVIA) at ng IPOPHL para masugpo ito,” sabi ni Anton Bonifacio, Globe Chief Information Security Officer.
Sa bagong YouGov 2022 Piracy Landscape Survey na pinangasiwaan ng AVIA Coalition Against Piracy (CAP), lumalabas na 61% ng lokal na lumahok sa survey ay nakakonsumo na ng mga pirated content. Ang pangunahing pinagmumulan ng mga pirated content ay ang social media at messaging platforms na nasa 44%.
Mga bahagi ng pelikula ang karaniwang ipinakikita sa Facebook at Tiktok, samantalang ang pirated content naman ay ibinebenta sa Facebook marketplace. Ibinabahagi rin ng mga user ang ilegal na materyales na puwedeng ma-download sa pamamagitan ng messaging apps tulad ng Telegram.
Ang iba pang mga pinanggagalingan ng pirated content ay ang streaming at torrent sites, at ilegal na streaming devices at apps na parehong nasa 20%.
Habang ang isyu ng piracy ay patuloy na nagiging malaking problema sa bansa, nananatili pa rin namang mataas ang pagkonsumo ng mga Pilipino ng legal na content. Ayon sa survey, 81% ng mga sumagot ay nagsabing kumokonsumo sila ng content sa pamamagitan ng mga lehitimong platform, kahit na ang mga numero ay mababa pa rin sa rehiyon.
Nais ngayon ng AVIA na makipagtulungan sa YouGov para mamahala sa survey tuwing katapusan ng bawat taon upang malaman kung saan, paano, at bakit ang mga konsumer ay nag-a-access ng mga ilegal na content, at kung ano ang epekto ng mga aksiyon na naipatupad. Ang AVIA ay nakikipag-ugnayan din sa mga social media platform para pag-usapan ang posibilidad ng pagpapabura ng mga pirated content.
“Ang Pilipinas ay hindi lang ang may pinakamataas na porsyento ng pagkonsumo ng piracy sa Asya-Pasipiko, ngunit ito rin ang may pinakamababang antas ng pagkonsumo sa mga lehitimong content mula sa mga bansang sumagot sa survey.
Gayunpaman, mayroon pa ring pag-asa. Ang Pilipinas ang may pinakamataas na porsiyento ng mga konsumer na payag gumamit ng lehitimong content kung maaalis ang kanilang access sa mga pirated content. Sa mga bansang kasalukuyang hindi pa nahaharangan ang mga piracy site, ang Pilipinas din ang may pinakamataas na porsiyento ng mga konsumer na naniniwalang ang pagharang sa mga ito ang pinakamainam na paraan para mabawasan ang piracy,“ pahayag ni CAP General Manager Matthew Cheetham.
Dagdag pa niya, “Hinihikayat namin ang gobyerno ng Pilipinas na bilisan ang pagbabago sa kasalukuyang batas sa copyright para magkaroon na ng isang mabisa at epektibong regulatory site blocking regime.”
Sa kabilang banda, tinuturuan nito ang mga customer kung paano maging responsable at matalino sa pagkonsumo ng online content mula nang ilunsad ang #PlayItRight campaign noong 2017. Ang inisiyatibong ito ay sumasaklaw sa iba’t ibang industriya tulad ng pelikula, kanta, laro, digital literacy, at edukasyon.
Bukod sa pagharang sa mga kumpirmadong piracy site, ipinaaalam din ng kampanya sa mga konsumer na ang mga piracy website ay pugad ng mga ilegal na online activities, malware, at iba pang panganib sa cybersecurity.
Sa pamamagitan ng Digital Thumbprint Program, tinutulungan nito ang sektor ng edukasyon at industriya ng libangan. Ang adbokasiya na ito ay nakapaloob na sa kurikulum ng Department of Education mula noong 2019.
Ang Globe ay sumusuporta rin sa mga inisyatiba upang maging moderno ang batas ng bansa ukol sa intellectual property, kasama ang maraming panukalang batas sa Kongreso na naglalayong paigtingin ang proteksiyon sa intellectual property rights. Ilan sa mga pagbabagong isinusulong ang pagbibigay ng mas malaking kapangyarihan sa Intellectual Property Office para sa pagtanggal o pagharang ng online sites na lumalabag sa batas sa copyright, at pagbibigay ng malaking multa bilang parusa sa mga lumalabag.
Naaayon sa kampanya nito para mas maging ligtas ang internet, inaasahan ng telco ang pagpapatupad ng mga bagong batas na magbibigay parusa sa sekswal na pag-abuso at pag-exploit sa mga kabataan online. Ito ay inaasahang pagtitibayin ng Kongreso ngayong taon. Ang batas na ito ay naglalayong palaguin ang proteksiyon ng mga bata laban sa cyber threats, at ayusin ang mga pagkukulang sa kasalukuyang batas tulad ng Anti-Child Pornography Act, Special Protection of Children against Abuse, Exploitation and Discrimination Act, at Anti-Trafficking in Persons Act.